"Hindi ko pa nasasagot ang kanilang pakay sa akin, agad-agad
ay isinalaysay sa akin ang mga sumusunod na pangyayari sa halalan:
Na pagkatapos mabuksan ang kapulungang pambansa ng
Manghihimagsik na pinangunguluhan ng Haring Bayan, Andres Bonifacio ay isinunod
agad ang paghirang at paghalal ukol sa Kataas-taasang Puno na mangungulo sa
ganitong pag-iisa.
Dalawa lamang kandidato ang napaharap, at ito'y ang Supremo
Andres Bonifacio at si Heneral Emilio Aguinaldo. Pagkatapos ng halalan ay
lumabas noon din at ipinasiya ng Kapulungan sa pamamagitan ng Supremo Andres
Bonifacio, na si Heneral Emilio Aguinaldo, ang siyang pinagkaisahan at pinagbotohang
maging Kataas-taasang Puno o taga-Pangulo ng Manghihimagsik.
Nagtaka sila diumano kung paano nangyari, na ang Supremo
Andres Bonifacio na siyang nagpahanda ng nasabing pag-iisa at siya pang pangulo
sa nasabing pulong, ay kung bakit ako ang inihalal ng karamihan laban sa
Supremo Andres Bonifacio.
Isinunod ang tungkuling Vice-Presidente. Ang Supremo Andres
Bonifacio, ay muling ikinandidato, subalit tinalo siya ng kanya ring Ministro
de Gracia y Justicia, na si Heneral Mariano Trias, at noon din ay ginawa ang
proklamasyon.
Isinunod ang tungkuling Kapitan Heneral, ay nagtunggali
naman ang dating Kapitan Santiago Alvarez, anak ni Virey Mariano Alvarez, at si
Heneral Artemio Ricarte, isang Ilocano. Bagama't tumutol si Heneral A. Ricarte
sa pagkakahalal sa kanya, dahil diumano sa kawalan niya ng kaya sa gayong
tungkulin, ay iniurong din niya pagkatapos nang hindi tanggapin ng mesa.
Isinunod dito ang proklamasyon sa kanya.
Sa paka-Secretario de Guerra, ang Supremo Andres Bonifacio
ay muli na namang ikinandidato, at ang nakatunggali niya ay si Heneral Emiliano
Riego de Dios, na kanya ring Ministro de Fomento sa Sangguniang Magdiwang.
Natalo na naman ang Supremo, at ito ang ikatlong pagkagapi niya sa halalan.
Sa pagka-Secretario de Interior, ay muli na namang ipinasok
na kandidato ang Supremo Andres Bonifacio at ang kanyang kalaban ay ang dalawa
niyang Ministro sa Magdiwang na sina Ginoong Severino de las Alas at Ginoong Diego
Mojica. Sa halalang ito'y nagtagumpay ang Supremo Andres Bonifacio, at kagaya
ng kaugalian ay ipinasiya na siya ang nahalal at dahil dito ay binati sa
kanyang tagumpay.
Subali't pagkatapos na pagkatapos na maipasiya ng Asamblea
ang kanyang tagumpay ay biglang tumindig at sumalungat sa pagkahalal sa kanya
si Heneral Daniel Tirona, at sinabing; "Hindi nababagay sa Supremo Andres
Bonifacio, ang tungkuling nasabi, pagka't hindi siya abogado, at ang bagay
rito'y ang Abogado Jose del Rosario, na taga Tanza."
Dito nagmula ang gulo ng Kapulungan, subalit wala namang
sinumang pumangalawa kay Heneral Tirona, kaya't wala ring kabuluhan ang
nasabing pagtutol. Gayon man, sa sama yata ng loob ng Supremo kay Heneral
Daniel Tirona, ay agad-agad siyang tumindig at sinabi ang ganito: "Hindi
baga bago tayo nagpulong ay pinagkaisahan natin na sinuman ang lumabas o
mahalal sa Kapulungang ito, ay ating susundin at igagalang ng lahat?"
"Opo" - ang hiyawan ng madla.
"Kung gayon" - patuloy niya, "Bakit nang ako
ang napahalal ay may tumututol?
"Wala pong pumangalawa sa tutol."
At sa di mapigil na sama ng loob ng Supremo, ay agad binunot
ang kanyang rebolber at anyong papuputukan si Heneral Daniel Tirona, sa gitna
ng di magkamayaw na gulong naghari. Salamat na lamang at napigil ni G. Jacinto
Lumbreras at ni Heneral Artemio Ricarte, ang masamang tangka ng Supremo. Si Heneral
Tirona naman ay maliksing nakapagtago at nagsuut-suot sa kakapalan ng mga
Asemblesista kaya hindi natuloy ang pagtudla sa kanya.
Palibhasa'y hindi yata mapigilan ng Supremo ang sama ng
loob, bakit maikatlo pang natalo sa halalan, bagama't napayapa ang gusot at
tahimik na ang lahat, pagdaka'y tumindig siya at sinabi sa kapulungan ang
ganito:
"Ako sa aking pagka-Pangulo nitong Kapulungang Pambansa
ng mga Manghihimagsik, ay pinawawalan ko ng kabuluhan ang halalang dito'y
naganap." Saka pagdaka'y umalis at nilisan ang kapulungan at umuwi sa
Malabon.
Sa ganyang pangyayari, ay naligalig sandali ang kapulungan,
ngunit biglang tumahimik nang ang delegado ng lalawigang Batangas, na si
Koronel Santiago Rillo, na kumakatawan sa may 2,000 manghihimagsik, ay
nagtindig at isinigaw sa Supremo na huwag siyang umalis, pagka't proklamado na
siya sa pagka-Secretario de Interior, bukod sa ang mungkahi ni Heneral D.
Tirona, laban sa kanya ay wala sa orden, pagka't walang sinumang pumangalawa,
at dahil dito'y walang anumang bisa. Gayon man ay di nangyaring napigilan ang
Supremo at patuloy nang umalis nang walang paalam.
Dahil sa kaguluhang nangyari, at sapagka't hindi napigilan
ang Supremo, sa kaniyang pasiya na lisanin ang kapulungan, si Santiago Rillo,
delegado ng Batangas, ay tumayo at nagtanong sa madla kung sang-ayon silang
ipagpatuloy ang kapulungan, at kung pahihintulutan nilang siya na ang mangulo.
Sa ganitong katanungan ay parang iisang taong sumagot ang lahat ng
"Opo."
Sa ganyang kapasiyahan, ay ipinagpatuloy ang Kapulungan at
wala namang iba pang pinag-usapan maliban sa kilalanin o pagtibayin ang tanang
mga naihalal na saka humirang ng isang "Comission" upang ipabatid
kay Heneral Emilio Aguinaldo, ang pagka-hirang sa kanya ng Kapulungan ng
Manghihimagsik na maging Kataas-taasang Puno ng Himagsikan, tuloy kaunin siya
sa madaling panahon upang makapanumpa sa tungkuling iniaatang sa kanya ng bayang
nanghihimagsik.
Pagkatapos nito, ay pinigil munang pansamantala ang pulong,
samantalang hinihintay nang buong kasabikan ang pagdating ng nahalal na puno ng
himagsikan, si Heneral Aguinaldo."
__________________
Emilio Aguinaldo,
Mga Gunita ng Himagsikan
Manila: National Centennial Commission, 1964.
__________________
Emilio Aguinaldo,
Mga Gunita ng Himagsikan
Manila: National Centennial Commission, 1964.
It's nice to know the real history of our country.
ReplyDeleteAre these chapters are the full content of the book?
ReplyDeleteWas this written by Emilio Aguinaldo?
ReplyDelete