PAGHIRANG SA SUPREMO BILANG HARI

DAKILANG PARANGAL SA PAGDATING NG SUPREMO

"Nang matapos ang masayang pagpapaalaman, ang Supremo at mga kasamahan, ay sumama na sa Pamunuan ng Magdiwang. Gayon na lamang ang karingalan at kasayahang naghari sa pagsalubong na ginawa ng mga bayang kanilang pinagdaanan. Sa hanay na may siyam na kilometro ang haba, mula sa Noveleta, hanggang sa San Francisco Malabon, ang lahat halos ng mga bahay ay may mga palamuting balantok na kawayang kinaskas at pinalamutihan ng sari-saring watawat, tanda ng maringal na pagsalubong at maligayang bati sa dakilang panauhin.

Isang kilometro pa lamang ang agwat bago dumating sa kabayanan ng San Francisco de Malabon, ang Supremo Andres Bonifacio, sinalubong agad ng isang banda ng musika at nang nasa pintuan na ng simbahan at nirupiki ng gayon na lamang ang kampana.

Ang malalaking aranya at dambana sa loob ng simbahan ay pawang may sindi ng ilaw. At ang kurang Tagalog na si Padre Manuel Trias, saka ang "Pallo," ay naghihintay naman sa mga panauhin sa pintuan ng simbahan, at pagkatapos ay kumanta ng Te Deum, hanggang sa dambana na kaakbay ang mga panauhin. Pagkatapos ng ganyang parangal sila'y itinuloy sa bahay ni Binibining Estefania Potente.

PAGHIRANG SA SUPREMO BILANG HARI


Isang paglalarawan kay Bonifacio bilang "Ang Haring Bayan"
Sulat kamay mismo ni Bonifacio ang titolo at lagda na hango sa "Acta de Tejeros"

Kinabukasan naman, ang Gabinete ng Pamahalaang Magdiwang, ang gumanap ng kanilang malaon nang inihandang pagpaparangal sa pamamagitan ng isang kapasiyahan na pagkalooban ang dakilang panauhin, Supremo Andres Bonifacio, ng pinakamataas na tungkulin sa taguring HARING BAYAN. Sa ganito'y lubusan nang mabubuo ang pamunuan ng nasabing Sanggunian na dati-rati'y wala ng tungkuling ito at pansamantala lamang nanunungkulan sa pagka Vi Rey, si Heneral Mariano Alvarez.


Ang buong Pamunuan ng kanilang Sanggunian, ay magagarang kasuotan kung nangagpupulong. Simula sa HARING BAYAN, hanggang sa kahuli-hulihang Ministro at Capitan General, ay may mga bandang pulang ginintuan nakasakbat sa kani-kanilang balikat. Kung minsan sa kanilang paglalakad, ay nakasuot pa rin ang nasabing banda upang makilala ang kanilang katayuan marahil.


Heneral Mariano Alvarez, "Virey" o Pangalawang-Hari,
Tiyuhin ng asawa ni Andres Bonifacio na si Gregoria de Jesus [Lakambini]

Lubhang masaya sila parati, palibhasa'y ang labing-dalawang bayan na kanilang nasasakupan ay di naliligalig sa anumang laban. Sila'y naliliskub halos ay nanga sa likuran ng mga bayang maliligalig tuwina ng Pamahalaang Magdalo.


Nang matapos ang ilang araw na parangal sa Supremo at mga kasama, dinalaw nilang lahat ang labing-dalawang bayang nasasakupan nila bilang paghahanda sa gagawing pagpipisan ng dalawang Sangguniang Magdiwang at Magdalo. Nangagtalumpati sila at anangaral ng pagka-makabayan at iba pang makagising-damdaming pangungusap ukol sa kalayaan. Sabihin pa, ang galak ng mga taong bayan, kaya't gayon na lamang karingal ang pagtanggap sa kanila at para bang isang HARING BAYAN nga ang dumating. Ang mga daan ay pawang binalantukan, may banda ng musika at panay ang hiyawan ng "Viva Tagalog," magkabi-kabila. Ang mga kampana'y halos mabasag sa pagrurupiki sa mga simbahan niyang pinatutunguhan, may mga dapit pa ng cereales at awit ng Te Deum.

Sa kabilang dako naman, sa gitna ng gayong di magkamayaw na kasayahan at paghdiriwang, ang walong bayang nasa Pamahalaan ng Magdalo. ay laging nagigimbal araw at gabi ng paghanap sa kalaban sa mga hanay ng Zapote, Almanza, San Nicolas, Bakood, Arumahan, Pintong Bato, at Molino sa bayan ng Bakoof, at kasakit-sakit sabihin na sa masamang pagkakataon, ang mga kalaban ay nakalusot tuloy nang di napapansin sa kabilang ilog ng Zapote, dahil sa puyat at pagod ng ating mga kawal.

Gayon man ang matatapang nating sandatahan sa ilalim ng mando ni Heneral Mariano Noriel at Heneral Pio del Pilar, ay agad-agad dinaluhong ang mga kalaban, kaya't putukan at tagaang katakut-takot ang naghari pagkatapos. Sa wakas, muli na namang nagtagumpay ang ating mga kawal, at ang Ilog Zapote ay muling namula sa dugo ng mga kalaban.  Ganyan nang ganyan ang nangyayari parati sa buong hanay ng aming labanan."


___________________

Emilio Aguinaldo,
Mga Gunita ng Himagsikan
Manila: National Centennial Commission, 1964.




.

HALALAN SA KAPULUNGAN NG TEJEROS

PAGPIPISAN NG SANGGUNIANG MAGDIWANG AT MAGDALO

CASA HACIENDA DE TEJEROS

"Hindi ko pa nasasagot ang kanilang pakay sa akin, agad-agad ay isinalaysay sa akin ang mga sumusunod na pangyayari sa halalan:

Na pagkatapos mabuksan ang kapulungang pambansa ng Manghihimagsik na pinangunguluhan ng Haring Bayan, Andres Bonifacio ay isinunod agad ang paghirang at paghalal ukol sa Kataas-taasang Puno na mangungulo sa ganitong pag-iisa.

Dalawa lamang kandidato ang napaharap, at ito'y ang Supremo Andres Bonifacio at si Heneral Emilio Aguinaldo. Pagkatapos ng halalan ay lumabas noon din at ipinasiya ng Kapulungan sa pamamagitan ng Supremo Andres Bonifacio, na si Heneral Emilio Aguinaldo, ang siyang pinagkaisahan at pinagbotohang maging Kataas-taasang Puno o taga-Pangulo ng Manghihimagsik.

Nagtaka sila diumano kung paano nangyari, na ang Supremo Andres Bonifacio na siyang nagpahanda ng nasabing pag-iisa at siya pang pangulo sa nasabing pulong, ay kung bakit ako ang inihalal ng karamihan laban sa Supremo Andres Bonifacio.

Isinunod ang tungkuling Vice-Presidente. Ang Supremo Andres Bonifacio, ay muling ikinandidato, subalit tinalo siya ng kanya ring Ministro de Gracia y Justicia, na si Heneral Mariano Trias, at noon din ay ginawa ang proklamasyon.

Isinunod ang tungkuling Kapitan Heneral, ay nagtunggali naman ang dating Kapitan Santiago Alvarez, anak ni Virey Mariano Alvarez, at si Heneral Artemio Ricarte, isang Ilocano. Bagama't tumutol si Heneral A. Ricarte sa pagkakahalal sa kanya, dahil diumano sa kawalan niya ng kaya sa gayong tungkulin, ay iniurong din niya pagkatapos nang hindi tanggapin ng mesa. Isinunod dito ang proklamasyon sa kanya.

Sa paka-Secretario de Guerra, ang Supremo Andres Bonifacio ay muli na namang ikinandidato, at ang nakatunggali niya ay si Heneral Emiliano Riego de Dios, na kanya ring Ministro de Fomento sa Sangguniang Magdiwang. Natalo na naman ang Supremo, at ito ang ikatlong pagkagapi niya sa halalan.

Sa pagka-Secretario de Interior, ay muli na namang ipinasok na kandidato ang Supremo Andres Bonifacio at ang kanyang kalaban ay ang dalawa niyang Ministro sa Magdiwang na sina Ginoong Severino de las Alas at Ginoong Diego Mojica. Sa halalang ito'y nagtagumpay ang Supremo Andres Bonifacio, at kagaya ng kaugalian ay ipinasiya na siya ang nahalal at dahil dito ay binati sa kanyang tagumpay.

Subali't pagkatapos na pagkatapos na maipasiya ng Asamblea ang kanyang tagumpay ay biglang tumindig at sumalungat sa pagkahalal sa kanya si Heneral Daniel Tirona, at sinabing; "Hindi nababagay sa Supremo Andres Bonifacio, ang tungkuling nasabi, pagka't hindi siya abogado, at ang bagay rito'y ang Abogado Jose del Rosario, na taga Tanza."

Dito nagmula ang gulo ng Kapulungan, subalit wala namang sinumang pumangalawa kay Heneral Tirona, kaya't wala ring kabuluhan ang nasabing pagtutol. Gayon man, sa sama yata ng loob ng Supremo kay Heneral Daniel Tirona, ay agad-agad siyang tumindig at sinabi ang ganito: "Hindi baga bago tayo nagpulong ay pinagkaisahan natin na sinuman ang lumabas o mahalal sa Kapulungang ito, ay ating susundin at igagalang ng lahat?"

"Opo" - ang hiyawan ng madla.

"Kung gayon" - patuloy niya, "Bakit nang ako ang napahalal ay may tumututol?

"Wala pong pumangalawa sa tutol."


At sa di mapigil na sama ng loob ng Supremo, ay agad binunot ang kanyang rebolber at anyong papuputukan si Heneral Daniel Tirona, sa gitna ng di magkamayaw na gulong naghari. Salamat na lamang at napigil ni G. Jacinto Lumbreras at ni Heneral Artemio Ricarte, ang masamang tangka ng Supremo. Si Heneral Tirona naman ay maliksing nakapagtago at nagsuut-suot sa kakapalan ng mga Asemblesista kaya hindi natuloy ang pagtudla sa kanya.


Palibhasa'y hindi yata mapigilan ng Supremo ang sama ng loob, bakit maikatlo pang natalo sa halalan, bagama't napayapa ang gusot at tahimik na ang lahat, pagdaka'y tumindig siya at sinabi sa kapulungan ang ganito:

"Ako sa aking pagka-Pangulo nitong Kapulungang Pambansa ng mga Manghihimagsik, ay pinawawalan ko ng kabuluhan ang halalang dito'y naganap." Saka pagdaka'y umalis at nilisan ang kapulungan at umuwi sa Malabon.

Sa ganyang pangyayari, ay naligalig sandali ang kapulungan, ngunit biglang tumahimik nang ang delegado ng lalawigang Batangas, na si Koronel Santiago Rillo, na kumakatawan sa may 2,000 manghihimagsik, ay nagtindig at isinigaw sa Supremo na huwag siyang umalis, pagka't proklamado na siya sa pagka-Secretario de Interior, bukod sa ang mungkahi ni Heneral D. Tirona, laban sa kanya ay wala sa orden, pagka't walang sinumang pumangalawa, at dahil dito'y walang anumang bisa. Gayon man ay di nangyaring napigilan ang Supremo at patuloy nang umalis nang walang paalam.

Dahil sa kaguluhang nangyari, at sapagka't hindi napigilan ang Supremo, sa kaniyang pasiya na lisanin ang kapulungan, si Santiago Rillo, delegado ng Batangas, ay tumayo at nagtanong sa madla kung sang-ayon silang ipagpatuloy ang kapulungan, at kung pahihintulutan nilang siya na ang mangulo. Sa ganitong katanungan ay parang iisang taong sumagot ang lahat ng "Opo."

Sa ganyang kapasiyahan, ay ipinagpatuloy ang Kapulungan at wala namang iba pang pinag-usapan maliban sa kilalanin o pagtibayin ang tanang mga naihalal na saka humirang ng isang "Comission" upang ipabatid kay Heneral Emilio Aguinaldo, ang pagka-hirang sa kanya ng Kapulungan ng Manghihimagsik na maging Kataas-taasang Puno ng Himagsikan, tuloy kaunin siya sa madaling panahon upang makapanumpa sa tungkuling iniaatang sa kanya ng bayang nanghihimagsik.

Pagkatapos nito, ay pinigil munang pansamantala ang pulong, samantalang hinihintay nang buong kasabikan ang pagdating ng nahalal na puno ng himagsikan, si Heneral Aguinaldo."

__________________

Emilio Aguinaldo,
Mga Gunita ng Himagsikan
Manila: National Centennial Commission, 1964.